Kinumpirma ni Justice Sec. Menardo Guevarra na pinangalanan na si Court of Appeals justice Henri Jean Paul Inting bilang pinakabagong mahistrado ng Supreme Court.
Ayon kay Guevarra, pupunan ni Inting ang nabakanteng puwesto ni Lucas Bersamin nang maitalaga ito bilang punong mahistrado noong nakaraang Nobyembre.
Sinabi pa ng kalihim, na ex-officio member rin ng Judicial and Bar Council, pirmado na rin daw ang appointment papers ni Inting ngunit hindi pa inilalabas.
Si Inting, na isinilang sa lalawigan ng Davao del Sur, ay nanumpa bilang CA justice noong 2012, makaraang magsilbi ito bilang hukom ng Quezon City Regional Trial Court.
Tumayo rin si Inting, na nagtapos sa Ateneo de Davao University, bilang senior corporate attorney ng National Housing Authority Government Corporation noong 1983, at supervising staff assistant sa Intermediate Appellate Court (CA ngayon) noong 1984.
Siya rin ang kapatid ni Commission on Elections commissioner Socorro Inting.
Ikasiyam si Inting sa mga itinalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang associate justice ng Korte Suprema.