Pinagtibay ng Court of Appeals (CA) ang desisyon ng Ombudsman na nag-uutos sa dismissal ng ilang officers ng Philippine Coast Guard (PCG).
Ito’y dahil sa iregularidad sa pagpapalabas at paggamit ng cash advances na nagkakahalaga ng P67 million.
Sa desisyon na isinulat ni Associate Justice Ruben Reynaldo Roxas ng CA 12th Division, nakasaad na tama ang naging desisyon ng anti-graft body nang sibakin sa puwesto si Commander Jude Thaddeus Besinga at iba pang personalidad.
Sa desisyon naman na pirmado ni dating Ombudsman Conchita Carpio Morales, lumalabas na guilty si Besinga ng grave misconduct, serious dishonesty, at conduct prejudicial to the best interest of the service.
Nag-ugat ang kaso sa anonymous complaint na inihain ng Commission on Audit dahil sa mga anomalya sa liquidation ng cash advances na umaabot sa P67,533,289 na aprubado ng mga PCG officers.
Lumalabas na 25 mga PCG officers ang sinasabing gumamit sa pondo para bumili ng office supplies at information technology equipment na hindi raw sumunod sa procurement regulations.
Base sa report mula sa Ombudsman, peke umano ang liquidation documents ng mga respondents.