-- Advertisements --

Aminado ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na malaking banta sa air travel sa Pilipinas ang mga bird strike.

Lumalabas kasi sa datos ng CAAP na may kabuuang 181 cases ng bird strike ang naitala sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa kabuuan ng 2024.

Dahil sa mataas na bilang ng bird strike, nagsasagawa na ang CAAP ng karagdagang flight safety upang matugunan ito.

Kinabibilangan ito ng pagdaragdag ng mas maraming dispersal tool at epektibong habitat control.

Aminado rin ang CAAP na kailangan ng long-term solution para matugunan ang naturang problema.

Sa panig ng Manila International Airport Authority (MIAA) na may pangunahing kontrol sa NAIA, nagdeploy na ito ng mga acoustic device, methane-powered cannon, at mga lobo na nadisenyong magmukha bilang mga mata ng mga predator

Ilan sa mga ibon na nagsisilbi ring malaking banta sa mga paliparan ay ang mga kalapati. Ayon sa CAAP, hinihikayat nila ang mga lokal na pamahalaan na magpatupad ng eight-kilometer no-pigeon-raising zone sa palibot ng mga paliparan.

Maaalalang isa sa mga itinuturong dahilan ng Jeju Air crash sa South Korea nitong huling bahagi ng 2024 ay ang bird strike. Ang naturang crash ay itinuturing bilang isa sa pinakamalagim na plane crash sa kasaysayan.