-- Advertisements --

Handang handa na ang Civil Aviation Authority of the Philippines sa pagdoble o triple ng bilang ng mga dadagsang pasahero ngayong weekend sa mga paliparan.

Inaasahan kasi na mas lolobo ang bilang ng mga manlalakbay simula bukas araw ng Biyernes na lalabas at papasok ng ating bansa na magdidiwang ng pasko o holiday.

Ayon sa CAAP, nasa 2.2 milyong pasahero ang gagamit ng mga paliparan sa bansa ngayong Disyembre.

Mas mataas ito sa 2 milyong pasahero na naitala noong Disyembre noong nakaraang taon.

Matatandaan na isinailalim sa heightened alert status ang mga paliparan sa buong bansa simula noong Disyembre 15 sa inaasahang pagdami ng mga pasahero ngayong holiday season.

Sinabi ni CAAP spokesperson Eric Apolonio na nakikipag-ugnayan ang kanilang pamunuan sa mga awtoridad sa paliparan gayundin sa Office of Transportation Security at PNP Aviation Security Group upang matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero.

Aniya, nagtalaga rin sila ng mga helpdesk na magagamit upang tumulong sa mga biyahero sa mga paliparan.

Hinikayat naman ni Apolonio ang mga pasahero na maging aware sa mga regulasyon sa paliparan upang maiwasan ang aberya, at makarating sa paliparan nang hindi bababa sa 3 oras bago ang kanilang mga nakatakdang pag-alis.