Inaabisuhan ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang mga piloto na iwasang magpalipad ng mga sasakyang panghimpapawid malapit sa bulkang Kanlaon kasunod ng pagsabog nito kaninang umaga.
Sa inisyung Notice to Airmen (Notam) ng CAAP ngayong Martes, Abril 8, itinakda ng ahensiya ang vertical limits sa bulkang Kanlaon mula sa ibabaw nito hanggang 22,000 talampakan.
Ayon sa CAAP, dapat na iwasan ito dahil sa posibleng hazards dulot ng abo mula sa bulkan.
Naging epektibo ang naturang notice kaninang alas-8:20 ng umaga hanggang alas-5:51 ng umaga sa susunod na araw.
Matatandaan na sumabog ang bulkang Kanlaon bandang alas-5:51 ng umaga ngayong Martes na nagbuga ng tinatayang 4,000 metrong taas ng plume.
Kasalukuyang apektado ang ilang lugar sa Negros Occidental dahil sa ashfall mula sa bulkan kung saan pumalo na sa mahigit 48,000 indibidwal ang apektado.
Mahigit 8,000 indibidwal ang nananatili ngayon sa mga evacuation centers sa Western at Central Visayas kasunod ng pagsabog ng bulkan.