KALIBO, Aklan – Handa na ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP)-Aklan para sa pagbabalik-operasyon ng Kalibo International Airport sa lalawigan ng Aklan sa Hulyo 1.
Ito ay matapos magpalabas si Aklan Governor Florencio Miraflores ng Executive Order No. 028 na pinapayagan na ang domestic flights mula sa Metro Manila.
Papayagan nang makauwi ang mga Aklanon na Locally Stranded Individuals (LSIs) at Returning Overseas Filipinos (ROF).
Nauna dito, nagsagawa ng simulation ang CAAP sa naturang paliparan para sa mga bagong protocol na ipapatupad.
Kabilang dito ang pag-check sa temperature ng lahat ng papasok sa pasilidad; pagsusuot ng face mask, pagpapatupad ng physical distancing at malimit na disinfection upang maiwasan ang pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Magpapatupad rin ng non-contact system para sa security check; at maglalagay ng decontamination areas, hand-washing spaces at foot baths sa airport terminals at parking areas.
Papayagan lamang na makapag-book ng flights ang mga ito kung may kumpletong requirements kagaya ng Medical Certificate, Travel Authority at Heatlh Declaration Card.
Samantala, tatlong airline companies lamang ang papayagang mag-operate na may tig-dalawang flights sa loob ng isang linggo upang maiwasan ang crowding o pagdagsa ng mga pasahero sa airport terminals.
Muling ipinaalala ni Miraflores na sumunod lamang sa health protocols upang maiwasan ang aberya.
Ang Aklan ay nananatiling nasa ilalim ng modified general community quarantine (MGCQ).