Nagbabala ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) laban sa pagpapalipad ng saranggola malapit sa paliparan kasunod ng insidente sa Virac, Catanduanes kung saan nagkabuhol-buhol ang nylon string ng saranggola sa pakpak ng eroplano.
Sa kabutihang palad naman, hindi napunta ang string sa propeller ng eroplano at walang nangyaring aksidente subalit napilitan ang eroplanong bumalik sa airport at mag-emergency landing.
Kaugnay nito, pinapaalalahanan ang publiko sa ilalim ng ordinansa ng lokal na pamahalaan ng Virac na may kaakibat na multang P2,500 ang nasabing mga insidente.
Saklaw ng ordinansa ang 43 barangay sa loob ng 5 kilometer radius ng Virac airport.
Sa nakalipas na buwan, nakakumpiska ang CAAP ng ilang saranggola sa bisinidad ng paliparan.
Samantala, pinaalala din sa publiko na hindi ipinapayo ang pagpapalipad malapit sa airport ng Hot air balloons, aerial drones, o anumang flying contraptions na makakapaglagay sa aircraft operations sa panganib.