Nagpaalala ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) sa mga biyahero na iwasang magdala ng mga ipinagbabawal na gamit sa darating na Holy Week exodus.
Ayon kay CAAP Spokesperson Eric Apolonio, ipinagbabawal ang pagbitbit ng power banks na lagpas sa 160 watt-hours. Aniya, ang pinapayagan ng airlines ay ang power banks na mababa sa 160 watt-hours basta’t hindi nakalagay ang mga ito sa mga dalang bagahe na nakalagay sa overhead bins.
Pinayuhan din ng opisyal ang mga pasahero na huwag magdala ng mga ipinagbabawal na bagay sa eroplano para maiwasang maharang sa kasagsagan ng screening.
Kabilang sa mga bawal na bagay na hindi dapat dalhin ay mga bala, vape, at battery-operated gadget.
Kayat pinapayuhan ang mga pasahero na iwasan na dalhin ang mga bagay na ito dahil nasasala ang mga ito sa final x-ray machine.
Tiniyak din ng CAAP sa mga biyahero na nakahanda ang lahat ng 44 na paliparan sa bansa sa inaasahang pagbuhos ng mga pasahero sa Mahal na Araw.
Magdedeploy din ang ahensiya ng karagdagang mga personnel lalo na sa peak hours.