-- Advertisements --

Naglabas ng paalala ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) sa lahat ng mga pasaherong palabas ng bansa na panatilihing hawak at maingat sa kanilang mga pasaporte, lalo na sa check-in at immigration process. Ito ay matapos hindi makasakay ang isang pasahero ng Cebu Pacific patungong Bali dahil sa punit sa kanyang pasaporte.

Ayon sa airline, hindi pinayagan ng immigration authorities na makaalis ang pasaherong may sira ang dokumento, kaya’t napilitang hindi ito isakay.

Sa isang pahayag sinabi ni CAAP spokesperson Eric Apolonio na mahalagang personal na hawak ng bawat pasahero ang kanilang pasaporte at suriin ito bago isumite sa airline o immigration officers. Pinayuhan din niyang kuhanan ito ng litrato bilang patunay ng kondisyon.

Ayon pa kay Apolonio, karaniwan sa mga grupong biyahero ang pagpapaubaya ng lahat ng pasaporte sa isang tao, na maaaring humantong sa hindi sinasadyang pagkasira.

Pinabulaanan din ni Apolonio ang mga haka-haka ng iregularidad sa viral na insidente, at sinabing may CCTV sa mga airline counter para sa transparency. Hinimok niya ang publiko na agad i-report sa airline ang anumang katulad na insidente upang maimbestigahan nang maayos.

Samantala, muling iginiit ng Cebu Pacific na tungkulin ng airline na tiyaking buo, wasto, at valid ang mga dokumentong hawak ng mga pasahero, alinsunod sa mga patakaran ng immigration.