-- Advertisements --

Nagsagawa ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ng safety check sa isang kahina-hinalang bag na naiwan sa bisinidad ng Butuan Airport habang nasa kasagsagan ng pagdagsa ng mga biyahero pauwi sa probinysa.

Sa pagtutulungan ng mga security expert, pulis, at mga kinatawan ng explosive unit ng Philippine National Police, sinuri ang naturang bag sa isang lugar malayo sa kumpol ng mga biyahero habang naglagay din ang mga ito ng cordon sa palibot nito.

Kinalaunan, natukoy na walang explosive o anumang pampasabog na nakalagay sa naturang bag.

Ayon sa CAAP, naglalaman ito ng P43,000 na cash, pagkain, pesonal belongings, at iba pa.

Ipinasakamay naman ito sa Security and Intelligence Service ng CAAP habang hinihintay ang posibleng mag-claim na may-ari.

Siniguro naman ng CAAP ang maagap na pagtugon sa anumang mga emergency situation sa mga paliparan habang nagpapatuloy pa rin ang dagsaan ng mga pasahero ngayong Semana.

Ayon sa ahensiya, target nito ang tuloy-tuloy at walang-patid na operasyon sa lahat ng paliparan sa buong bansa, habang tinitiyak ang kaligtasan ng bawat isa.