Nilinaw ng Civil Aviation Authority of the Philippines na walang nangyaring hacking incident sa sistema ng Ninoy Aquino International Airport.
Ito ang binigyang-diin ni CAAP Spokesperson Eric Apolonio sa isang pahayag kasunod ng naranasang Technical issues sa Navigational air traffic management ng NAIA kahapon na nakaapekto naman sa flight ng aabot sa 9,000 na mga pasahero nito.
Paglilinaw ni Apolonio, walang nangyaring anumang uri ng hacking o glitch sa system ng naturang paliparan sapagkat sa software lamang aniya nagkaroon ng isyu ukol dito.
Pag-amin ng opisyal talagang kinakailangan nang maiupgrade ang air traffic monitoring system ng NAIA sapagkat ito ay luma na at mula pa noong 2010 ginagamit.
Samantala, upang tiyakin naman ang kaligtasan ng mga pasahero ng paliparan ay napagdesisyunan ng CAAP na mas maging conservative at pamahalaan ng maayos ang operasyon nito sa pamamagitan ng pagbibigay ng mas mahabang separation ng departing flights.