-- Advertisements --

Inatasan ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang lahat ng commercially operated airports sa ilalim ng pamamahala nito na paigtingin ang mga protocol sa kaligtasan na naglalayong protektahan ang mga operasyon ng sasakyang panghimpapawid at ang mga nakapaligid na komunidad.

Ito ay alinsunod sa direktiba ni Transportation Secretary Vince Dizon.

Dahil dito naglabas ng memorandum ang CAAP na mahigpit na nagbabawal sa mga aktibidad na nagdudulot ng panganib sa kaligtasan ng paglipad at kapakanan ng publiko, partikular sa mga lugar na nasa paligid ng mga paliparan.

Kabilang sa mga ipinagbabawal ay ang mga sumusunod: Kite flying, Drone operations, Pigeon racing, paggamit ng lasers o anumang light-emitting devices na maaaring maka pinsala sa paningin ng piloto lalo na sa mga kritikal na yugto ng paglipad.

Ayon kay CAAP Director General Retired Lt. Gen. Raul Del Rosario ang mga nasabing aktibidad ay nagdudulot ng matinding banta sa paglipad.

Sinabi ni Del Rosario na upang epektibong maipatupad ang nasabing direktiba, nakikipag ugnayan ngayon ang CAAP sa mga local government units at maging sa Philippine National Police Aviation Security Unit (PNP AVSEU).

Nanawagan din ang CAAP sa publiko na sumunod sa mga safety measures at hinikayat na ireport kaagad ang anumang kahina-hinalang aktibidad sa vicinity ng airport.