-- Advertisements --

Sinimulan na ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang imbestigasyon sa bumagsak na private plane sa Maguindanao del Sur na ikinasawi ng apat na dayuhan.

Batay sa inilabas na pahayag ng CAAP ngayong araw, Peb. 7, nagsagawa na ito ng inisyal na pagsisiyasat kasama ang mga local authorities’ para matukoy ang dahilan ng aksidente.

Sa kasalukuyan ay limitado pa rin ang impormasyong inilalabas ng CAAP hingil sa insidente ngunit tiniyak ng ahensiyang maglalabas ito ng karagdagang impormasyon, kasabay ng mas malalim na pagsisiyasat.

Ngayong araw ay una na ring kinumpirma ng US Indo-Pacific Command na ang bumagsak na private plane sa Maguindanao del Sur ay nagsasagawa ng intelligence at surveillance operation, bilang tugon sa naunang request ng Philippine government.

Ayon sa USINDOPACOM, ang apat na dayuhang nasawi sa naturang plane crash ay kinabibilangan ng isang U.S. military service member at tatlong defense contractors na pawang bahagi ng opisyal na surveillance operation.

Paliwanag ng naturang command, nangyari ang insidente habang nasa isang routine mission ang eroplano sa Mindanao, bilang bahagi ng US-Philippine security cooperation activities.

Kahapon, Pebrero-6, nang mangyari ang naturang aksidente sa Brgy. Malatimon, Ampatuan, Maguindanao del Sur. Ginamit dito ang isang Beech King Air 350 (B350).