KALIBO, Aklan – Sinisimulan na ang paglalagay sa unang 11 paliparan ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ng gender-neutral restrooms bilang hakbang sa gender development awareness at pagbibigay proteksyon sa karapatan ng mga miyembro ng LGBTQ+ community.
Ayon kay CAAP-Aklan manager Engr. Eusebio Monserate Jr., ang nasabing ideya ay nabuo kasunod sa diskriminasyon na nararanasan ng mga ito sa komunidad.
Mayroong proposal na rin umano ang CAAP-Aklan upang mapabilang sa unang mga paliparan na lalagyan ng comfort room para sa LGBTQ.
Malaki aniya ang inilaang pondo ng ahensya para sa gender awareness development projects alinsunod sa Republic Act 9710 o ang Magna Carta of Women at Executive Order 273 o mas kilala bilang Philippine Plan for Gender-Responsive Development.
Nabatid na nag-ugat ang isyu sa LGBTQ+ community makaraang kinaladkad palabas ng janitress ng isang mall sa Quezon City sa pambabaeng comfort room ang transgender na si Gretchen Diez.