Tiniyak ng Civil Aviation Authority of the Philippines(CAAP) na bukas ang mga paliparan nito para sa mga pasaherong hindi na nakabiyahe dahil sa sama ng panahon.
Ayon sa CAAP, bukas ang mga terminal building ng mga CAAP-operated airports para sa mga pasaherong piniling magpalipas na lamang muna ng oras sa paliparan kasunod ng kanselasyon ng maraming flight.
Sa Naga Airport, ilang katao na rin ang nagpalipas ng gabi sa Passenger Terminal Building (PTB) ng paliparan. Ayon sa CAAP, naglaan ito ng akmang shelter para sa mga stranded habang nasa loob ng PTB.
Sa Tacloban Airport, ilang katao rin ang piniling manatili muna sa loob ng terminal building. Hinatiran din ang mga ito ng mga pagkain.
Binuksan din ng mga naturang airport ang ilang mga charging station para magamit ng mga residente kasunod na rin ng ilang serye ng power disturbance.
Tiniyak din ng CAAP ang tuloy-tuloy na pagbabantay ng aheniysa sa kaligtasan at kapakanan ng mga pasahero habang nakipag-ugnayan na rin umano ito sa mga ahensiya ng pamahalaan para mahatiran ang mga stranded na pasahero ng akmang serbisyo at tulong.