CAUAYAN CITY- Naitala ang kauna-unahang COVID-19 death sa Cabagan, Isabela at ika-56 na namatay sa buong Lambak ng Cagayan.
Batay sa inilabas na pagpapahayag ng Rural Health Unit ng Cabagan ay nasawi ang limamput walong taong gulang na lalaki, may asawa, isang karpintero, residente ng Purok 4, Barangay Anao, Cabagan, Isabela.
Ang naturang pasyente ay may comorbidity tulad ng severe metabolic acidosis, acute kidney injury, Leptospirosis at COVID-19.
Sa nakuhang impormasiyon ng Bombo Radyo Cauayan walang kasaysayan ng paglalakbay ang pasyente at patuloy na inaalam kung saan nito posibleng nakuha ang virus.
Ayon kay Dra. Marivic Binag Cortez, Rural Health Officer ng Cabagan Isabela, nagpa-konsulta sa Milagros Albano District Hospital sa Cabagan ang pasyente dahil sa hirap sa paghinga at pagdudumi bago nai-refer sa Divine Mercy Wellness Center sa Tuguegarao city kung saan siya na-admit noong November 27, 2020 at kinunan ng swab sample bago sumakabilang buhay noong November 28, 2020.
Dahil sa hindi pa lumalabas ang resulta ng pagsususri ay pinahintulutan ng pagamutan na maiuwi ng pamilya ang labi ng nasawing pasyente sa bayan ng Cabagan.
Batay naman sa ulat ng Regional Epidemiology Surveillance Unit (RESU) nagpositibo sa COVID 19 ang nasawing pasyente.
Agad nagsagawa ng malawakang contact tracing ang RHU Cabagan at agad na isinailalim sa quarantine ang mga nakasalamuha ng pasyente at inaasahang isasailalim sa swab test.