LEGAZPI CITY – Ikinatuwa ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) ang pagdami ng mga cabinet officials na nagpapahayag nang kusang pagsasailalim sa lifestyle check, gayundin sa kanilang nasasakupang ahensya.
Una nang nagpahayag si Tourism Sec. Bernadette Romulo-Puyat na bukas ang mga opisyal ng DOT at attached agencies sa imbestigasyon ng PACC.
Ayon kay PACC Commissioner Manuelito Luna sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, “chain reaction” na umano ang nangyari mula nang unang magpa-lifestyle check sina dating Agriculture Sec. Manny Piñol, Agrarian Reform Sec. John Castriciones, Transportation Sec. Arthur Tugade para sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board at Land Transportation Office at ilan pang opisyal.
Hindi naman umano pini-pressure ang iba pang miyembro ng gabinete at ranks na sumailalim sa imbestigasyon lalo ng nangangailangan ito ng “great deal of courage and good leadership.”
Ibinida pa ni Luna na ito ang kauna-unahang beses na nagsagawa ng lifestyle check sa mga miyembro ng gabinete sa Pilipinas.