-- Advertisements --

Humiling si Department of Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac ng isang linggo para pag-aralan ang total ban sa pagpapadala ng mga domestic workers sa Kuwait. 

Sa pagdinig ng Senate Committee on Migrant Workers at Labor and Employment, kinalampag muli ni Senador Raffy Tulfo ang DMW na magpatupad ng deployment ban ng mga overseas Filipino workers (OFWs) sa Kuwait matapos masawi ang dalawang OFW na si Dafnie Nacalaban at Jenny Alvarado. 

Inatasan ng senador ang ahensya na ipagbawal muna ang pagpapadala ng mga first time workers na mga pinoy sa Kuwait. 

Ngunit aniya para sa mga dati nang domestic at skilled workers sa nasabing bansa ay walang problema para sa senador na ipadala. 

Giit pa ni tulfo, wala namang problema sa mga ofws kundi mga employers sa kuwait na nananakit ng ating mga kababayan dahilan kung bakit may mga Pinoy pa rin na umuuwing bangkay na. 

Ayon naman kay MCacdac, sa ngayon ay walang ipinapatupad ang bansa na total ban sa deployment ng mga OFWs sa Kuwait kundi ang meron lamang ay deferment.

Mula noong napatay ang OFW na si Julibee Ranara noong 2023, ipinatupad ni dating Secretary Toots Ople ang deferment o pagbabawal na pagpapadala sa mga first time workers na mga Pinoy sa Kuwait. 

Inihayag naman ni Department of Foreign Affairs Undersecretary Eduardo de Vega, na posible ang pagpapatupad ng total ban ng household workers sa Kuwait dahil nagawa na raw ito ng Indonesia na iban ang ngpagpapadala ng household workers sa Middle East.