-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Patay ang mag-asawa sa nangyaring pananambang ng mga armadong grupo sa lalawigan ng Maguindanao.

Nakilala ang mga nasawi na sina Mama Limba, 60, miyembro ng Citizen Armed Forces Geographical Unit (Cafgu) at maybahay nito na si Biau Limba, 58, mga residente ng Purok Mahad, Sitio Masalay, Barangay Salman, Ampatuan, Maguindanao.

Ayon kay Maguindanao police provincial director, Col. Arnold Santiago, habang lulan ang mga biktima sa isang payong-payong na traysikad mula sa kanilang tahanan patungo sana ng public market sa bayan ng Ampatuan nang mangyari ang ambush.

Sinasabing pagsapit ng mag-asawa sa Sitio Ogapok, Barangay Salman na ‘di kalayuan sa massacre site ay bigla silang tinambangan ng mga hindi kilalang armadong kalalakihan.

Agad namang tumakas ang mga suspek nang magresponde ang mga sundalo at pulis.

Patay on the spot ang mag-asawa nang magtamo sila ng maraming tama ng bala sa iba’t ibang parte ng kanilang katawan.

Grupo naman daw ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ang itinurong suspek ng mga otoridad na nanambang sa Cafgu at nadamay lamang ang kanyang asawa.

Sa ngayon ay nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Ampatuan, Maguindanao PNP sa naturang pananambang.