-- Advertisements --

DIPOLOG CITY – Arestado ang isang kasapi ng Citizen Armed Force Geographical Unit (CAFGU) matapos mamaril sa loob ng army detachment sa Purok Talaba, Brgy. Camanga, Dumalinao, Zamboanga Del Sur.

Kinilala ang suspek na si Ruben Adaza, 37, residente ng naturang lugar, habang ang biktima ay natukoy na si Rolando Alipaopao, na isa ring CAFGU.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, nagkaroon umano ng mainit ng pagtatalo ang dalawa dahilan upang barilin ni Adaza ang biktimang si Alipaopao gamit ang 5.56mm rifle.

Mabilis namang isinugod sa pinakamalit na ospital ang biktima matapos magtamo ng maraming tama ng bala sa katawan.

Ayon sa pulisya, lango umano sa alak ang suspek bago mangyari ang insidente.

Dagdag pa rito, napag-alaman na dati na umanong may hindi pagkakaintindihan ang dalawa na parehong CAFGU Active Auxiliary ng 53rd Infantry Battalion, Philippine Army.

Nakumpiska mula sa suspek ang isang 5.56MM rilfe, isang M16 magazine na may 12 bala.

Narekober naman mula sa crime scene ang 11 basyo ng bala ng parehong baril.

Sa ngayon ay kasalukuyan ng nakakulong ang suspek sa Dumalinao MPS at inihahanda na ang kasong isasampa laban dito.