-- Advertisements --

BUTUAN CITY – Kinondena ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang karumal-dumal na pagpatay sa isa sa mga dinukot na Citizen Armed Force Geographical Unit (CAFGU) member ng New People’s Army (NPA) sa Surigao del Sur.

Ayon kay 1Lt. Jonald Romorosa, Civil Military Operations officer ng 36th Infantry “Valor” Battalion, Philippine Army, sa inilunsad na hot pursuit operation ay natagpuan at narekober kahapon ng umaga ng operating team sa Sitio Banawan, Barangay Maitum, boundary ng Lanuza at Tandag City, Surigao del Sur, ang bangkay ng biktimang si Ryan Badiang.

Putol na ang ulo ng nasabing dinukot na CAFGU member at nasa state of decomposition na.

Nilinaw ni Romorosa na isang paglabag sa international humanitarian law ang ginawa ng NPA dahil kahit na kasapi ng CAFGU ang biktima, hindi ito matatawag na combatant dahil off duty ito nang dinukot.

Kung maaalala, Mayo 30 ay umabot sa pitong sibilyan kasama na ang dalawang menor de edad sa dinukot ng NPA ngunit pinakawalan din maliban maliban na lamang kay Badiang.