-- Advertisements --

NAGA CITY – Sugatan ang isang CAFGU member matapos na paulanan ng bala ng mga pinaniniwalaang miyembro ng rebeldeng grupo sa Libmanan, Camarines Sur.

Kinilala ang biktima na si Junill Barrias, 24-anyos, residente ng Barangay Cambalidio sa nasabing bayan.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Camarines Sur Police Provincial Office, napag-alaman na habang nasa lugar ang CAA detachment ng bigla na lamang umano itong paulanan ng bala ng nasa limang miyembro ng NPA.

Dito naman naalarma ang nasabing detachment kung kaya nakipagpalitan ang mga ito ng putok na umabot sa halos 15-minutos.

Dahil sa nasabing insidente, nagtamo ng tama ng bala ng baril si Barrias na agad namang dinala sa ospital para sa asistensiya medikal.

Samanatala, matapos ang nasabing insidente agad naman na tumalas ang mga suspek sa hindi pa malamang direksiyon.

Sa ngayon, nagpapatuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad maging ang pagtukoy sa kinaroroonan ng mga responsable sa nasabing insidente.