CENTRAL MINDANAO – Kulong ngayon ang isang myembro ng Citizen Armed Forces Geographical Unit (Cafgu) nang mahuli na nagbebenta ng mga baril sa lalawigan ng Maguindanao.
Nakilala ang suspek na si Akay Awa, 50, naaresto rin ang kanyang asawa na si Arbaya Awa, 44, mga residente ng Barangay Manion, Parang, Maguindanao.
Ayon kay Maguindanao police provincial director Colonel Jibin Bongcayao na nagsagawa ng entrapment operation ang mga tauhan ng Regional Special Operation Group ng PNP-BAR, Sultan Domalondong MPS, PIU-Maguindanao at 1404th RMFC sa tirahan ng mag-asawa.
Nakuha sa loob ng bahay ng mga suspek ang isang M16 armalite rifle, dalawang M14 rifles, isang kalibre .45 na pistola, mga bala at magasin.
Narekober din ang perang nagkakahalaga ng P280,000, IDs, dalawang cellphone at ibang mga personal na kagamitan.
Pinuri naman ni Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR) regional director B/Gen. Eden Ugale ang raiding team sa matagumpay nilang operasyon.
Matagal na umanong sinusubaybayan ng mga otoridad ang Cafgu na sideline ang pagbebenta ng mga armas.
Sa ngayon ay nakapiit na ang mag-asawa sa costudial facility ng Parang MPS at sasampahan ng kasong illegal possession of firearms.