-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Nagpapatuloy ang hot pursuit operation ng pulisya sa mga armadong kasapi ng NPA Front 73 sparrow unit matapos ang ginawang pagpatay sa isang kasapi ng CAFGU na NPA surrenderee sa bayan ng Tboli, South Cotabato.

Ito ang inihayag ni PMaj. Irish Parangan, hepe ng T’boli PNP sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.

Kinilala ang nasawing CAFGU na si Adam Daw, nasa legal na edad at residente ng nabanggit na barangay.

Ayon kay Parangan, nangyari ang insidente sa Brgy. Datal Dlanag kung saan nagpapahinga umano ang biktima sa kaniyang pamamahay nang pinasok ng suspek na nagpakilalang si Ka George, kasapi ng Front 73, Sparrow Unit at ilang kasamahan na armado ng matataas na kalibre ng baril.

Agad naman umanong tumakbo si Daw upang tumakas ngunit naharangan na siya ng mga kasamahan ni Ka George at makailang ulit na binaril.

Tinamaan sa iba’t-ibang bahagi ng kanyang katawan ang biktima na naging dahilan ng kaniyang agarang kamatayan.

Inamin naman ng nagpakilalang Ka George ang ginawang pagpatay kay Daw dahil sa umalis umano ito sa grupo kasama ang kaniyang anak at bumalik loob sa gobyerno.

Aminado naman ang pulisya na matagal nang may banta sa buhay ang biktima bago pa nangyari ang pamamaril.