CAGAYAN DE ORO CITY – Pinalakas pa ng local government unit ng Cagayan de Oro City ang kampanay sa paglaban sa mga lamok na nagdadala ng sakit na dengue.
Ito ay matapos pumalo na sa 16 katao ang nasawi mula sa 1,975 na kaso ng dengue na tumama sa syudad simula Enero hanggang Agosto 2019.
Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni Dr Maria Lourdes Gaane, chairman ng health committee ng city council na layunin nito na mapabilis ang pagresponde ng lungsod upang puksain ang mga pinupugaran ng mga lugar ng dengue mosquito carriers na malaking banta sa lungsod.
Inihayag ni Gaane na inaasahan na tataas pa ang matatamaan ng dengue lalo pa’t kakasimula lamang ng citywide clean up drive sa buong lungsod.
Hinamon ng opisyal ang mga residente sa 80 barangays na ipagpatuloy ang pakikipaglaban sa mga lamok kung saan nakapagbiktima na ng 1,975 na mga residente sa lungsod.
Kung maalala, pinangunahan pa ni City Mayor Oscar Moreno at Vice Mayor Rainer Joaquin Uy ang citywide clean up drive upang maipaabot ang mensahe sa mga residente na seryosong banta sa buhay ang mga lamok na mayroong dengue virus.
Pangalawa pa lamang ang Cagayan de Oro City na nasa state of calamity kasunod sa lungsod ng Iligan na nagtala rin ng 15 katao na nasawi nitong taon lamang.