-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Isinailalim na sa state of calamity ang buong lalawigan ng Cagayan matapos na maitala ang malawak na pinsala sa imprastraktura, sektor ng agrikultura at pangisdaan dahil sa pananalasa ng bagyong Egay.

Nakapagtala ang Cagayan ng kabuuang pinsala sa kabahayan na 83 totally damage at 1,005 partially damaged maliban pa sa pananim na mais at palay.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Governor Manuel Mamba, sinabi niya na batay na rin sa rekomendasyon ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ay isinailalim sa state of calamity ang lalawigan para magamit ang quick response fund at calamity fund sa rehabilitasyon ng buong lalawigan maging sa mga napinsalang imprastraktura partikular ang ilang eskwelahan na nawalan ng bubong.

Ilalaan ang quick response fund bilang ayuda sa mga residenteng nawalan ng bahay, apektadong pamilya at maging sa mga magsasakang nasiraan ng pananim.

Nakauwi na ang lahat ng mga evacuees na nanatili sa lahat ng evacuation center habang ang ilan ay pansamantalang nakikitira sa mga kamag-anak matapos na mawalan ng bahay dahil sa paghagupit ng bagyo.

Pag-aaralan naman ang pamamahagi ng cash assistance para makatulong din sa muling pag-ikot ng ekonomiya ng lalawigan na naapektuhan din ng bagyong egay.