Nahaharap ngayon sa kasong graft ang alkalde at ilang lokal na opisyal ng Tuao, Cagayan matapos umanong masangkot sa maanomalyang pagbili ng fertilizers nang hindi dumadaan sa public bidding.
Batay sa charge sheet na inihain sa Sandiganbayan ni Graft Investigation and Prosecution Officer II Alteza Anoso, nahaharap sa dalawang counts ng kasong katiwalian si Mayor Francisco Mamba, Jr.
Nag-ugat umano ang reklamo laban sa alkalde nang bilhin nito ang higit P4-milyong halaga ng Bio-Nature Liquid Organic Fertilizer noong 2004 nang hindi dumadaan sa proseso ng bidding.
Nabatid din daw ng prosekusyon na walang eksplanasyon ang tanggapan ni Mamba kung bakit idinaan nito ang paggawad kontrata sa direct contracting.
Ito’y matapos mabatid na walang isinumiteng proposals, reports at iba pang dokumento ng distributor na ginawaran ng kontrata.
Biro rin umano ang tanggapan ng alkalde na i-monitor ang paggamit ng ibinayad na milyones.
Bukod kay Mamba, nahaharap din sa parehong kaso ang Vice Mayor na si William Mamba, municipal administrator Frederick Baligod, treasurer Rodolfo Cardenas, administrative assistants Merlinda Dayag at Jose Palacpac.
Dawit din daw sa reklamo ang accounting clerk na si Anabel Turingan, agricultural officer Teresita Espinosa, clerk Juliana Filipina Padilla at agricultural technologists Leticia Acob at Petra delos Santos.