-- Advertisements --

TUGUEGARAO CITY – Mahigpit na mino-monitor ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang kahandaan ng mga alkalde sa lalawigan ng Cagayan sa posibleng pananalasa ng bagyong “Ramon.”

Tiniyak rin ni Jeng Carag ng DILG-Cagayan ang presensiya ng mga local chief executives sa kanilang mga bayan.

Kaugnay nito, inilagay na sa red alert status ni Cagayan Gov. Manuel Mamba ang lahat ng tanggapan na may kinalaman sa disaster response para makamit ang inaasam na zero casualty sa panahon ng kalamidad.

Naka pre-position na rin ang mga heavy equipment ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na gagamitin sa mga clearing operations kung kinakailangan.

Handa na rin ang mga evacuation centers na paglilikasan sa mga maaapektuhang pamilya.

Nakaalerto na rin ang mga kapulisan at kasundaluhan na tutulong sa rescue at relief operations.

Ayon kay Lt. Col. Fidel Macatangay, commanding officer ng Marine Battalion Landing Team 10, naka-standby na at handa na para sa deployment ang kanilang hanay.

May naipadala na ring karagdagang tropa sa lalawigan ng Apayao sa utos ng Office of Civil Defense.

Samantala, ipinauubaya na sa mga LGUs ang pagsuspinde ng klase, bukas November 15.

Nauna na ring nagsuspinde ng klase sa lalawigan ng Isabela, Nueva Vizcaya at Quirino.

Matatandaang isinailalim sa state of calamity ang probinsiya dahil sa mahigit isang bilyong danyos na iniwan ng malawakang pagbaha na naranasan sa northern Cagayan.

Patuloy rin ang isinasagawang relief operations sa mga residente na biktima ng malawakang pagbaha.