TUGUEGARAO CITY-Nilinaw ni Dr. Urdujah Alvarado, presidente ng Cagayan State University ang pahayag ni Senator Pia Cayetano na hindi pa nagpapatupad ng face-to-face classes ang CSU.
Sinabi ni Alvarado na agad silang nagsagawa ng F2f noong pasukan nitong September 5 sa lahat ng siyam na campuses ng unibersidad.
Naantala ang pagbubukas ng klase sa CSU na dapat sana ay noong August 25 dahil sa pananalasa ng bagyo.
Hinamon ni Alvarado ang sinumang kinauukulan na bumisita sa mga campuses ng CSU upang mapatunayan na sila ay nagpapatupad ng in person classes.
Reaksion ito ni Alvarado matapos na mapasama sa mga binanggit ni Cayetano ang CSU sa budget hearing para sa Commission on Higher Education at colleges and universities na hindi pa nagpapatupad ng face-to-face classes.
Kasabay nito, sinabi ni Alvarado na kabilang din sa kanilang ipaparating kay Cayetano ay kung bakit hanggang ngayon ay hindi pa ibinibigay ng CHED ang P200m na Unified Financial Assistance for Tertiary Education o UniFAST sa CSU at iba pang state universities para sa school year 2022-2022.
Binigyan diin ni Alvarado na karapatan ng CSU na matanggap ang nasabing pondo dahil ito ay nasa batas.
Ayon sa kanya, kailangan nila ang nasabing pondo para sa pagpapatayo ng mga bagong pasilidad sa ibang campuses ng CSU at maging ang pagbibigay nila ng insentibo sa mga academic excellence awardees.