CAUAYAN CITY – Nakapagtala na ng ilang kaso ng sore eyes ang Cagayan Valley Medical Center (CVMC).
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Glenn Matthew Baggao, Medical Center Chief ng CVMC, sinabi niya na dumadami ngayon ang kaso ng sore eyes na tinutugunan ng kanilang pagamutan.
Aniya dahil sa napapanahon ang naturang sakit sa mata ay patuloy silang nagpapaalala sa publiko na ingatan ang kalusugan dahil mabilis na makahawa ang sore eyes.
Ayon kay Dr. Baggao, karaniwang tumataas ang kaso ng sore eyes tuwing buwan ng Setyembre.
Ang sore eyes na hindi nagamot ng tama ay posibleng pagsimulan ng komplikasyon na mauuwi sa pagkabulag.
Ilan sa mga sintomas ng sore eyes ay pamumula ng mga mata, pagluluha, pananakit ng mata at pagkakaroon ng impeksyon.
Ang ganitong mga sintomas ay maaaring makahawa sa pamamagitan ng direct contact sa paghawak sa infected eye ng tao na may sore eyes.
Maiiwasan naman ito sa pamamagitan ng madalas na paghuhugas ng kamay at hindi paggamit ng mga bagay na may direct contact sa taong may sore eyes.