Humingi ng dispensa si Cainta, Rizal Mayor Johnielle “Kit” Nieto matapos mamataang nagmomotor na walang suot na helmet.
Sa inilabas na pahayag ni Nieto, todo ang paghingi nito ng sorry sa lahat ng nakasaksi sa kanyang pagmamaneho ng motorsiklo nang walang safety gear papunta sa isang simbahan para dumalo sa kasal.
Wala aniyang rason para hindi ito bigyan ng ticket ng mga otoridad dahil maliwanag na paglabag ito sa batas.
Iginiit pa ng alkalde na dapat mas pinahalagahan niya ang pagsunod sa batas sa halip na pairalin ang kaniyang mga paniniwala.
Ani Nieto, sa darating na Nobyembre 4 o araw ng Lunes, personal niyang kukunin ang traffic citation ticket sa Land Transportation Office (LTO) para harapin ang pagkakamali.
Magtutungo rin aniya siya sa tanggapan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) para itanong kung dapat ba siyang dumaan sa anumang disciplinary action.
Ayon sa alkalde, handa siyang humarap sa anumang ilalabas na desisyon ng DILG kahit pa ang posibleng pagkakasibak niya sa puwesto.