Isinailalim na sa code blue alert ng Department of Health ang Region IV-A o CALABARZON dahil sa mga kaso ng pertussis.
Dahil dito, inaasahang magbibigay ng surveillance reports ang mga local government unit ng CALABARZON at health facilities nito sa Incident Command Systems upang makagawa ang ahensiya ng napapanahon na data analysis.
Hinimok ni Regional Disaster Risk Reduction and Management Health officer-in-charge Joehl Francisco ang local health offices na i-report kaagad ang suspected at confirmed cases ng pertussis sa loob ng 24 hours para mapigilan ang pagkalat ng virus.
Ibinunyag din ng DOH-CALABARZON na gagamitin nila ang estratehiyang ginamit nila noong COVID-19 pandemic na “prevent-detect-isolate-test-reintegrate” bilang control measures ng pertussis.
Inabisuhan din ng kagawaran ang publiko na palaging hugasan ang kamay, ilayo ang mga sanggol o bata sa mga taong may sintomas ng pertussis, at pabakunahan ang mga ito.
Una na rito, nagdeklara na rin ng state of calamity ang Cavite at ang bayan ng Sta. Rosa sa Laguna dahil sa dumaraming kaso ng naturang sakit sa mga nabanggit na lugar.
Sakop ng rehiyon ng CALABARZON ang mga lalawigan ng Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, at Quezon.