-- Advertisements --
Video © Norman Capuchino

BACOLOD CITY – Matinding takot ang naramdaman ng mga nagsi-swimming sa Lavista Pansol, Calamba, Laguna, nang dumaan sa ibabaw nila mismo ang nag-crash na King Air 350 medical evacuation plane bago ito bumagsak sa katabing bahagi ng nasabing private resort.

Sa eksklusibong panayam ng Star FM Bacolod kay Princess Carreon, saktong nagpi-picture taking silang mag-pamilya habang naliligo sa resort nang makita nilang umusok at nahulog ang right wing ng eroplano kaya nakunan nila video ng ang pagbagsak dakong alas-3:08 ng hapon kahapon.

“Nag-panic po ang mga tao kasi nasa ibabaw namin, akala nga po namin sa amin babagsak eh. Sa ulo namin siya dumaan kaya malaki talaga ‘yong itsura ng plane sa amin kahit hindi naman siya kalakihan,” kuwento ni Carreon.

Dagdag pa ni Carreon na nagpapasalamat silang ligtas ang mga nasa resort ngunit ikinalungkot din ang nangyari.

Nabatid na nag-iwan ng siyam na kataong patay ang pagbagsak ng naturang maliit na eroplano kung saan habang nasa ere pa lamang ay nagkahiwa-hiwalay na umano ang ibang bahagi nito.