Inilunsad ng Social Security System (SSS) ang immediate calamity loan assistance para sa mga miyembro at pensioners na matinding naapektuhan ng nagdaang mga kalamidad.
Ang mga kwalipikadong mag-avail ng naturang tulong pinansiyal ay ang mga miyembro at pensioners na naninirahan sa mga lugar na idineklara sa ilalim ng state of calamity sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyong ‘Kristine’, ‘Marce’, ‘Nika’, ‘Ofel’ at ‘Pepito’.
Kabilang sa mga lugar na ito base sa inisyung Circular No. 2024-005 ay ang Dagupan City; Tagkawayan at Malunay sa Quezon province; Albay Province; Bulan sa Sorsogon; Camarines Sur; Catanduanes; Calbayog City, Samar; Eastern Samar; at Magpet sa Cotabato.
Para magkwalipika ang mga miyembro sa Calamity Loan Assistance Program (CLAP), kailangan na magrehistro sa SSS website, dapat may 36 na buwanang kontribusyon kung saan 6 dito ay naipasok sa nakalipas na 12 buwan, dapat rin na pasok sa specific contribution requirements para sa kanilang membership type, walang past due loans o final benefit claims at dapat sertipikado ng employer.
Dito, maaaring makapag-loan ng halaga base sa average ng nakalipas na 12 buwanang salary credits o requested amount, alinman sa dalawa ang mas mababa. Maaari itong bayaran sa loob ng mahigit 2 taon kung saan magsisimula ang pagbabayad dalawang buwan matapos maaprubahan ang loan. Mayroon itong 10% annual interest rate subalit walang service fee.
Samantala, ang mga Social Security (SS) and Employees’ Compensation (EC) pensioners ay maaari namang makatanggap ng three-month advance pension.