Maaaring makapag-apply ng calamity loan ang mga overseas Filipino workers na nakabase sa Taiwan na apektado ng pagtama ng malakas na lindol nitong Miyerkules.
Sa kasalukuyan kasi, inaasikaso na ng Social Security System ang calamity loan assistance program para sa OFWs sa Taiwan.
Ayon kay SSS President at CEO Rolando Macasaet, ito ang unang pagkakataon na magbibigay sila ng calamity loan sa mga miyembrong OFWs na apektado ng kalamidad sa ibang bansa dahil ito ay limitado lamang sa mga miyembro na nandito sa PH.
Saad pa ni Macasaet na nasa tinatayang 10,000 na aktibong miyembro ang nagtatrabaho sa Taiwan at marami sa kanila ang naapektuhan ng lindol.
Nakatakdang ilabas ang guidelines para sa calamity loan sa OFW-members sa Taiwan sa araw ng Lunes, Abril 8 na subject sa approval ng Social Security Commission.
Sa ilalim ng calamaity loan package para sa Taiwan earthquake, pareho ang payment terms sa local calamity loan kung saan maaaring makapag-loan ng maximum na P20,000 na maaaring bayaran sa loob ng 24 buwan at may interest rate na 10% per annum.
Maliban pa sa calamity loan, sinabi ng SSS official na maaari ding makapag-avail ang apektadong OFW-members sa Taiwan ng medical at disability benefits.
Una rito, base sa ulat ng Department of Migrant Workers mayroong 3 OFWs sa Taiwan ang nagtamo ng minor injuries kasunod ng tumamang malakas na lindol.