-- Advertisements --

MANILA – Walang naitalang damage ang lokal na pamahalaan ng Calatagan, Batangas matapos yanigin ng magnitude 6.3 na lindol nitong umaga.

Ito ang kinumpirma ni Calatagan Mayor Peter Palacio sa ulat ng Batangas Provincial Information Office.

Sa isang panayam sinabi ng Calatagan Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office, na naka-alerto ang kanilang mga residente at alam ang gagawin sa gitna ng lindol dahil sa aktibong pag-papaalala ng mga lokal na opisyal.

Wala naman daw matataas na gusali sa buong bayan, kaya inaasahan ng local government unit (LGU) na hindi grabe ang maitatalang pinsala ng lindol.

Sa ngayon patuloy na nangangalap ng impormasyon ang Calatagan MDRRMO matapos yanigin ng malakas na lindol.

Naglabas naman ng paalala ang provincial government ng Batangas sa mga residente nito na manatiling handa at mag-ingat.

“Pinapayuhan ang lahat na maging #HANDA, mag-#INGAT, at manatiling #MAGITING,” ayon sa online post ng Batangas Provincial Information Office.