Matapos ihayag na tuloy na tuloy ang national at local elections sa gitna ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic, naglabas na ngayon ang Commission on Elections (Comelec) ng calendar of activities at ang mga prohibited acts sa halalan sa May 9, 2022.
Sa ilalim ng Comelec Resolution No. 10695, ang filing ng Certificate of Candidacy (COC) para sa lahat ng elective positions ay mula Oktubre 1 hanggang Oktubre 8, 2021, kabilang na dito ang Sabado at Linggo.
Ang Election Period ay magsisimula naman sa Enero 9, 2022 at magtatapos ng Hunyo 8 ng parehong taon.
Epektibo naman ang gun ban sa buong period, ibig sabihin ay bawal na ang pagdadala o pagbiyahe na mayroong baril o iba pang nakakamtay na armas maliban na lamang kapag otorisado ito ng Comelec.
Ipagbabawal din sa kasagsagan ng election period ang paggamit n security or bodyguards ng mga kandidato maliban na lamang kung otorisado rin ito ng Comelec.
Ang Campaign Period ng mga kandidato para sa national positions kabilang ang President, Vice-President, Senator at party-list groups ay magsisimula sa February 8, 2022 hanggang May 7, 2022 habang ang mga kandidato naman sa local elective positions gaya ng Kongresista, regional, provincial, city and municipal officials ang kampanya ay magsisimula sa March 25, 2022 na magtatapos din sa May 7, 2022.
Gaya nang nakagawian, mariin ding ipinagbabawal ng Comelec ang pangangampanya sa Maundy Thursday at Good Friday sa Abril 14 at April 15, 2022.
Sa loob naman ng isang buwan o mula April 10, 2022 hanggang May 9, 2022 isasagaw ang overseas voters sa lahat ng Philippine embassies, consulates at iba pang lugar.
Pero ipinagbabawal naman ang pangangampanya sa ibang bansa sa kasagsagan ng election period.
Binigyan naman ng Comelec ng tatlong araw para sa local absentee voters para bumoto.
Isasagawa ito sa April 27, 28 at 29, 2022.
Ang huling araw ng paghahain ng aplikasyon para sa local absentee voting ay sa Marso 7, 2022.
Epektibo naman ang Liquor Ban simula May 8, 2022 hanggang May 9, 2022, ibig sabihin bawal ang selling, furnishing, offering, buying, serving o ang pag-inom ng mga nakakalasing na inumin.
Ipagbabawal din ang pangangampanya sa gabi bago ang Election Day hanggang sa mismong araw ng halalan.
Kabilang pa sa mga ipagbabawal ang pagtanggap ng libreng transportasyon, pagkain at drinks o ano mang bagay na may value; pag-solicit ng boto o ang pagsali sa mga propaganda para o laban sa isang kandidato o political party sa mga pagdadausan ng halalan sa loob ng 30 meters.
Dapat ay mayroon ding layong 30 meters ang mga itatayong booths o stalls para sa mga ibebentang merchandise o refreshments.