DAGUPAN CITY- Naniniwala si Dr. Carlo Orduna, isang dalubhasa dito sa lalawigan ng Pangasinan na posibleng bumalik ang calf tear ni forward star Kevin Durant sa kanyang muling paglaro sa Golden State Warriors kontra sa Toronto Raptors sa game 5 ng NBA finals.
Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan , inihayag ni Orduna na kitang kita sa paglalaro ni Durant ang paghawak sa kanyang calf muscle na nasa likod ng binti malapit sa kanyang sakong na indikasyon na nanumbalik ang kirot.
Ipinaliwanag ni Orduna na ang calf muscle ay konektado sa isang tendon. Kadalasan ito ay nangangailangan ng dalawa hanggang tatlong linggong pahinga depende sa klase ng calf muscle tear at minsan ay umaabot ng hanggang dalawang buwan o higit pa ang gamutan.
Matatandaan na nagka injured sa kanyang kanang calf si forward star Kevin Durant, noong Mayo 8 sa laro kontra Houston Rockets.
Giniit niya na dapat magpahinga muna si Durant at huwag munang maglaro dahil kapag hindi ito iningatan ang kalusugan ay maaring maging permanente ang pinsala. Dagdag pa niya na dapat itong sumailalim sa MRI nang malaman kung gaano kalala ang kanyang injury.