-- Advertisements --
SORRENTO THERAPEUTICS VACCINE COVID
Sorrento Therapeutics

Ipinagmalaki ng isang California-based biopharmaceutical company na nakadiskubre na sila ng epektibong antibody na siyang lalaban at magpapaalis sa deadly virus na COVID-19 sa katawan ng isang tao.

Nakatakdang mag-anunsiyo ang Sorrento Therapeutics ng kanilang breakthrough na tinawag nilang STI-1499 antibody.

Ayon sa naturang kompaniya na mula sa San Diego, California tiyak umano na 100 porsyento na mapopropteksiyunan ang isang pasyente ng kanilang naimbento na gamot.

Ang naturang antiboy ay kayang paalisin sa sistema ng tao ang coronavirus sa loob ng apat na araw.

Ang naturang gamot ay maari na raw ilabas sa mga susunod na buwan at mauuna bago man maging available sa commercial ang vaccine.

Una nang tinataya ng mga eksperto na aabutin pa ng 18 buwan bago maibenta sa merkado ang isang vaccine treatment.

Paliwanag naman ni Dr. Henry Ji, founder at CEO ng Sorrento Therapeutics, ang kanilang nadiskubre na neutralizing antibody, kung nasa katawan daw ito ng isang tao, hindi na kailangan sa mga bansa ang patakaran sa social distancing at maaari na ring magbukas ang buong lugar na walang takot.

Inihayag naman ni Dr. Mark Brunswick, senior vice president ng Sorrento, ang pag- develop sa antibody treatments ay mas epektibo sa paglaban sa coronavirus.

Aniya ang epektibong anti-body treatment ay mabilis na mabuo at mataas pa raw ang “success rate.”

Kinakailangan na lamang daw ang mabilis na pag-apruba ng Food and Drug Administration sa nabanggit na antibody treatment para magamit na ng publiko sa lalong madaling panahon.

Kaya naman daw ng kanilang kompaniya na makabuo ng 200,000 doses kada buwan at maaaring makapag-produce ng milyun milyon para magamit na ng publiko.

Samantala sinabi na rin ni US President Donald Trump na sa kabila ng kaniyang pagiging kumpyansa na magkakaroon na ng gamot para sa COVID-19 bago matapos ang taong ito, hindi raw ito gaanong importante para sa muling pagbangon ng Amerika.

Inanunsyo rin ng Republican president ang “Operation Warp Speed” kasabay nang pagmamadali ng mga researchers sa buong mundo na makagawa ng vaccine na papatay sa virus.

Sa ngayon ay nakapagtala na ang Amerika ng higit 88,000 coronavirus deaths at 1.4 milyong kumpirmadong kaso ng sakit.

“We think we are going to have a vaccine in the pretty near future, and if we do, we are going to really be a big step ahead and if we don’t, we are going to be like so many other cases where you had a problem come in, it’ll go away at some point, it’ll go away,” wika pa ni Trump.