Sinuspinde na ng California State Athletic Commission (CSAC) ang lisensya ng Bulgarian heavyweight na si Kubrat Pulev.
Kaugnay ito sa umano’y puwersahang paghalik nito sa American TV reporter na si Jennifer Ravalo sa labi sa kalagitnaan ng isang interview.
Inatasan na rin si Pulev na humarap sa CSAC, na iginiit na kanila raw sineseryoso ang nasabing pangyayari.
“Before he will be licensed to fight in California again, boxer Kubrat Pulev must appear in front of the commission and demonstrate that he will conform to this principle of respect,” dagdag nito.
Una rito, sinabi ng kampo ni Ravalo na desidido raw itong kasuhan si Pulev dahil sa kanyang ginawa.
Sa pahayag ng abugado ni Ravalo na si Gloria Alled, “unwelcome and unlawful” ang naging aksyon ng boksingero.
Pinabulaanan din nila ang pahayag ni Pulev na matagal na raw silang magkaibigan ng biktima, at sinabing nagkita lamang daw sila isang araw bago ang insidente. (BBC)