BAGUIO CITY – Nararanasan na raw ngayon sa Northern California ang umano’y apocalyptic weather dahil sa epekto ng mga malawakang wildfire sa estado kung saan ekta-ektaryang mga bundok at kabahayan na ang natupok.
Sa report ni Bombo international correspondent Winston Sario ng Napa County, California, naging orange ang kulay ng kanilang kapaligiran dahil hindi makatagos ang sikat ng araw sa makapal na usok na bumabalot sa ibabaw ng Bay Area.
Aniya, dahil dito ay hindi na alam ng mga tao doon kung umaga o gabi na.
Pinakamalawak aniyang sunog ang LNU Lightning Complex Fires na may sakop sa wine country area ng Northern California, kasama na ang Napa County.
Bagaman 94% na ang naapula sa LNU Lightning Complex ay nagresulta naman ito sa pagkasira ng 1,500 istruktura at pagkasawi ng isang bombero at tatlong sibilyan.
Dagdag pa ni Sario na malala at mahirap ang kanilang sitwasyon dahil kahit ang kalapit nilang mga estado ng Oregon at Washington ay apektado na rin ng sunog.
Maliban daw kasi sa kakulangan ng resources ay problema rin ng mga estado ang nararamdamang pagod ng mga bumbero na hindi tumitigil sa kanilang pagtatrabaho.
Ayon pa rito, maraming Pinoy sa Northern California ang lumikas na sa kani-kanilang mga bahay habang ang ilan naman ay nasunugan.
Gayunman ay ipinagmamalaki pa rin ni Sario ang bayanihan ng Filipino community sa nasabing estado, maging ang kahandaan ng konsulada na magbigay ng tulong sa mga naapektuhan.