-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Nasugatan ang isang call center agent matapos na aksidenteng bumangga sa waiting shed ang minamaneho nitong motorsiklo sa San Vicente, Jones, Isabela.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Felixberto Lelina, hepe ng Jones Police Station, sinabi niya na nagtamo ng sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktima na si Calvin Kleine Reyes na residente ng barangay Usol.

Galing sa Barangay Uno ang biktima at pauwi na nang makarating sa barangay San Vicente partikular sa pakurbadang bahagi ng daan ay nawalan ito ng kontrol sa manibela at sumalpok sa waiting shed.

Batay sa mga nakuha nilang impormasyon, bago ang insidente ay nakipag-inuman ito sa kanyang mga kaibigan sa Barangay Uno.

Maliwanag naman aniya sa lugar gayunman dahil nasa impluwensya ng nakalalasing na inumin ay hindi na nito napansin ang waiting shed sa lugar.

Batay sa pakikipag-ugnayan nila sa pamilya ng biktima, dinala ito sa isang pribadong pagamutan sa Cauayan City at nasa Intensive Care Unit (ICU) dahil sa malubhang sugat na natamo nito.

Muling nagpaalala ang pulisya sa mga motorista na maging maingat sa pagmamaneho at huwag pairalin ang katigasan ng ulo at huwag magmaneho ng nakainom.