-- Advertisements --

TUGUEGARAO CITY – Inaasahang tutunguhin ng maraming mga turista ang Callao Cave sa bayan ng Peñablanca, Cagayan ngayong Semana Santa.

Ito’y kasunod ng pagkakadiskubre ng ilang mga buto at ngipin ng isa sa mga sinaunang tao sa mundo na tinatawag na Homo luzonensis na naging laman ng mga balita sa national at international media.

Kasabay nito, sinabi ni Atty. Maria Rosario Mamba-Villaflor, head ng provincial tourism office na sinisikap ng pamahalaang panlalawigan na maibalik sa dating anyo ang Callao cave.

Sa katunayan, may mga nakalatag na plano ang pamahalaang panlalawigan para sa konserbasyon ng nasabing kuweba.

Gayunpaman, hindi umano nila ito maisasakatuparan ngayon dahil sa umiiral na election ban.

Binigyang-diin niya na hindi lamang kasi ito ordinaryong pook pasyalan kungdi isa itong yaman na dapat pangalagaan dahil sa malaki ang ambag nito sa kasaysayan ng agham lalo na sa ebolusyon ng tao.

Sa ngayon ay mahigpit aniya nilang babantayan ang mga pumapasok sa kuweba para hindi basta nagtatapon ng basura.