-- Advertisements --

VIGAN CITY – Pormal nang binuksan para sa mga turista mula sa Region 1 at Baguio City ang ilang mga sikat na pasyalan sa lalawigan ng Ilocos Sur sa gitna ng COVID- 19 pandemic.

Ito ay sa pamamagitan ng paglulunsad ng Ridge and Reef Travel Corridor ng Region 1 at Baguio City sa pangunguna ni Ilocos Sur Gov. Ryan Singson, Department of Tourism Regional Director Jeffrey Ortega at iba pang opisyal ng lalawigan.

Ang naturang travel corridor ay bunga rin ng naisagawang tourism bubble sa pagitan ng mga gobernador ng apat na lalawigang bumubuo sa Region 1 at ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong kasama na si Tourism Secretary Romulo Puyat sa lungsod ng Baguio nitong nakaraang buwan ng Setyembre.

Layunin ng pagbubukas ng turismo ng Ilocos Sur sa mga turista mula sa Baguio City at mga karatig-lalawigan sa Region 1 na unti-unting maibangon ang sektor ng turismo sa gitna ng pandemiya.

Ngunit, limitado lamang muna sa 50 tourists per day ang papayagang mamasyal sa mga piling tourist destinations sa lalawigan at kailangang nakumpleto ng mga ito ang mga requirements bago makapasok kagaya na lamang ng negative result ng RTPCR test o Rapid Antigen Test at itinerary na susundin.

Ilan sa mga pasyalan sa lalawigan na maaari nang pasyalan ng mga turista mula Region 1 at Baguio City ay ang pamosong Calle Crisologo, Ilocos Sur musical and dancing fountain, Syquia Mansion at Baluarte Zoo sa Vigan City; Ilocos Sur Adventure Zone at Caniaw Heritage and Forest Park sa Bantay; Pinsal Falls at Heritage Church ng Sta. Maria; Pinakbet Farm sa Caoayan; Vitalis Villas sa Santiago at Ichtus Beach Resort sa Magsingal.