VIGAN CITY – Nakatakdang buksan ngayong araw para sa mga lokal na turista ang Calle Crisologo o Heritage Village sa Vigan City, Ilocos Sur at ilan pang tourist destination sa lalawigan.
Ito ang isa sa mga hakbang ng mga local government units at ng provincial government of Ilocos Sur sa pangunguna ni Governor Ryan Singson.
Maliban sa Calle Crisologo, magbubukas din ngayong araw ang Pinsal Falls sa bayan ng Sta. Maria; Caniaw Heritage and Forest Park; at Ilocos Sur Adventure Zone sa bayan ng Bantay, kabilang na rin ang Ilocos Sur musical dancing fountain.
Inaasahan ni Singson na sa pamamagitan ng pagbubukas ng mga nasabing tourist destinations ay unti-unting makakabawi ang industriya ng turismo sa lalawigan na hindi maipagkakailang naapektuhan ng coronavirus pandemic.
Dahil sa pandemya, mahigpit din na ipapatupad ang mga health protocols sa pagbisita sa mga sikat na pasyalan katulad na lamang ng physical distancing at paggamit ng facemask.
Nauna nang sinabi ni Vigan City Mayor Juan Carlo Medina na aabot sa bilyon-bilyong piso ang lugi ng industriya ng turismo sa lungsod dahil kung hindi man kaunti ay halos wala nang bumisitang turista sa mga pasyalan sa Vigan City at sa buong lalawigan dahil sa deadly virus.