-- Advertisements --

KALIBO, Aklan — Isinailalim na sa state of calamity ang bayan ng Caluya sa lalawigan ng Antique matapos maapektuhan ng oil spill mula sa lumubog na motor tanker na MT Princess Empress.

Inaprubahan na ng Sangguniang Bayan ng Caluya, sa isang special session ang Resolution No. 31–2023 na nagdedeklara ng state of calamity sa lugar kahapon.

Ayon kay Kier Domingo, Public Relations Officer II ng LGU-Caluya, ang Barangay Semirara at ilang sitio sa Barangay Sibulo ang labis na naapektuhan ng oil spill dahilan na sinuspinde muna ang pangingisda at pagpunta ng mga turista lalo na sa tourist destination na Liwagaw Island na isa ring white beach.

Samantala, nasa 7,198 na pamilya o 25,733 na indibidwal ang apektado sa naturang mga lugar na binigyan na ng relief goods ng pamahalaan.

Sa kabilang daku, nagtutulungan ngayon ang lahat ng mga barangay sa Semirara Island kasama ang Semirara Mining Power Corporation at Barangay Sibulo, kung saan bumuo ang mga ito ng emergency response team para sa ginagawang coastal clean-up gamit ang improvised oil spill boom.

Ikinababahala aniya ng Municipal Agriculturist Office ng lokal na pamahalaan ng Caluya na kasamang maapektuhan ang kanilang seaweeds farmers.

Tinatayang umaabot na sa P3,000,035 ang napinsala ng oil spill sa naturang lugar.

Nabatid na ang Princess Empress ay may kargang 800,000 liters ng industrial fuel oil nang ito ay lumubog.