Nagbabala ang mga mayor sa lungsod ng Caloocan, Malabon, Navotas at Valenzuela (Camanava) sa traders na mananamantala at nagtataas ng presyo ng mga basic commodities sa gitna ng deklarasyon ng state of calamity.
Nagpaalala ang mga alkalde na may 60-day price freeze kasunod ng deklarasyon ng state of calamity dulot ng nagdaang bagyong Carina at habagat.
Sa magkakahiwalay na panayam, sinabi ni Mayor Dave Gonzalo Malapitan (Caloocan), Jeannie Sandoval (Malabon), John Rey Tiangco (Navotas) and Weslie Gatchalian (Valenzuela) na nagtalaga na sila ng task force para magmonitor ng mga presyo sa palengke at establisyemento.
Kasunod nito, hinimok ng mga alkalde ang mga mamimili na magsumbong sa mga awtoridad kung ang presyo ng bilihin ay lampas sa price ceiling na lumalabag naman sa Price Control Act.
Sisiguraduhin din daw ng mga alkalde na ang basic necessities ay mananatiling accessible at abot-kaya ang presyo para sa mga indibidwal na apektado ng kalamidad.
Saklaw ng price freeze ang gatas, tinapay, de-latang sardinas, instant noodles, bottled water, kape, at iba pa.