Tumanggi na ang ilang international football teams na magkomento at palakihin pa ang issue sa kanilang naranasang mga aberya magmula nang makarating ng Pilipinas para sa 30th Southeast Asian Games.
Sa isang pulong balitaan isang araw bago magsimula ang football games sa 2019 SEA Games, iginiit ng mga coach ng team Cambodia, Myanmar, at Timor-Leste na bagama’t may mga aberya sa kanilang pagdating mula sa pagsundo sa paliparan hanggang sa kanilang accommodation sa tutuluyang hotel, mas mainam anila na mag-move on at mag-focus na lamang sa mga laro.
Sinabi ni coach Velizar Popov ng Myanmar na bagama’t hindi sila masaya sa kanilang sinapit nang makarating sa Pilipinas, ayaw na raw niya ito pagtuunan pa ng pansin.
Mas nakatutok na aniya ang kanilang team sa kanilang target na manalo sa football matches sa SEA Games 2019.
“I think it is not a good image for the tournament if we start to talk in the press conference about this. Of course we are not happy with some things on our arrival but I don’t want to entertain about that because for me that is not the most important. If you start to look for excuses from the first day, you will find always. So we are here, we came for our target,” ani Popov.
Umaasa naman si coach Fabiano Flora ng Timor-Leste na hindi na maulit pa sa susunod ang kanilang sinapit.
“I think all nations deserve respect. With what happened yesterday it was not what we have imagined about ASEAN zone, ASEAN games. But it is okay It happened, it’s finished and now we are just focused on the games,” wika pa ni Flora.
Samantala, para kay coach Felix Dalmas ng Camboadia, napilitan sila na magkaroon ng adjustment sa kanilang paghahanda matapos na maghintay ng walo hanggang siyam na oras dahil sa kalituhan sa kanilang tutuluyang hotel.
“We know things are not perfect especially when you are not in your home country. But things happened. We just had to wait few hours to get picked up. It wasn’t ideal,” ani Dalmas.
“Things happened. We are ready for this. We adjust, and we will, and that’s one of the quality of our team as well. The guys just took it with best spirit,” dagdag pa nito.
Nabatid na kahapon naging viral sa social media ang hindi agarang pagsundo sa mga atleta sa paliparan papunta sa kanilang mga hotel.
Ang koponan naman ng Timor-Leste ay inihatid pa sa maling hotel, habang ang Myanmar team naman ay nagsiksikan sa iisang e-jeep papunta sa kanilang tutuluyan.
Humingi na ng paumanhin ang Philippine SEA Games Organizing Committee (Phisgoc) sa insidenteng ito.