-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Patong-patong na kaso ang hinaharap ngayon ng gobernador ng Camiguin sa Ombudsman.

Ang nasabing mga kaso ay isinampa ng mag-asawang negosyante at isang kawani ng Camiguin General Hospital laban kay Governor Jurdin Jesus Romualdo at sa ina nito na si Maria Luisa Romualdo.

Sa isinagawang press conference, sinabi ni Atty. Homer Mabale, abogado ng mga negosyanteng sina Marie Suzette at Albert Luther Good na kanilang sinampahan ng kasong paglabag sa Section 3 ng Republic Act No. 3019 o mas kilalang Anti-Graft and Corrupt Practices Act, at Section 4-C ng RA 6713 o Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees, Section 4-D o grave misconduct at libel.

Nag-ugat ang nasabing kaso dahil sa iligal umanong pagpasara sa Bahay Bakasyonan.

Habang ang kasong RA 7305 o Grave Abuse of Authority and Gross Misconduct ang isinampa naman ng nurse na si Marylou Anto-Igot dahil umano sa illegal na pagtanggal sa kaniya sa trabaho.

Hanggang sa ngayon hindi pa nakapagbigay ng komento ang gobernador patungkol sa mga nasabing kaso.