-- Advertisements --

Kasunod ng direktiba ni PNP Chief Camilo Cascolan na magsagawa ng surprise camp lockdown, nagpatupad ng camp lockdown sa Camp Crame.

Ito’y para tignan ang mga hindi rehistrado, narekober, carnapped o nakaw na sasakyan na ginagamit ng mga pulis, gayundin ng mga ordinaryong motorista.

Si HPG NCR Chief Police Col. Wilson Doromal, ang nanguna sa inspeksyon.

Isa isang sinala ang mga sasakyan na pumapasok ng Crame at hindi pinapayagang lumabas ang mga walang maipapakitang lisensya na driver o certificate of registration.

Ito’y para matiyak na may official business sila kaya pumasok ng Crame.

Paliwanag ni HPG Director B/Gen. Eliseo Cruz, hindi lang sa Crame nagsasagwa ng camp lockdown kundi pati mga ibang police regional offices.

Bahagi kasi ito ng kanilang internal cleansing campaign. Samantala, patuloy din ang inventory ng PNP sa lahat ng mga recovered vehicles sa ibat ibang mga operasyon. Magtatagal ang camp lockdown sa Crame hanggang mamayang hapon.